Wednesday, December 30, 2015

For the Force Should be Awaken




"Parang kayong birhen na umaasa sa pag-ibig ng puta!"- General Luna


Ito ang pumukaw sa aking atensyon nang aking mapanood ang pelikulang General Luna.

Sapagkat ito ay totoo.

Una sa lahat, wala akong kinukutya o hinahamak sa mga sumusunod kong pananaw. Ito ay opinion ko na nais ko lamang ibahagi.

Lahat naman tayo gusto ng marangyang buhay. Walang masama mag hangad ng ganoon. Ang akin lamang hinaing ay halos lahat ng Filipino ay gusto ng mag ibang bansa, doon mag trabaho, doon manirahan... tapos ang irarason nila ay wala daw kasi asenso dito sa Pilipinas.

Maitanong ko lang... paano aasenso ang Pilipinas kung lahat na lang ng Filipino ang gustong pag silbihan ay mga dayuhan? Gusto mabilisang pasok ng pera. Gusto dolyar ang sahurin. Gusto lahat manirahan sa ibang bansa. Wala man lang ako nakilala na gusto manilbihan sa kapwa Filipino. Ngayon sabihin ninyo paano tayo aasenso.

Sa totoo lang, ako bilang isang rehistradong Medical Technologist, madami ang mga offers sa akin na trabaho sa ibang bansa at di hamak na halos triple pa ang taas ng sahod ang iniaalok sa akin, ngunit kahit minsan hindi ako nag balak mag ibang bansa dahil ang aking rason ay ito - halos wala nang Filipino ang gustong mag serbisyo sa kapwa nila Filipino. At ako, kahit nag-iisa lang ako na naninindigan na kahit mahirap kumita ng pera dito sa ating bansa, pag sisilbihan ko ang kapwa ko Filipino at hindi ako mag papasilaw sa dolyar ng mga banyaga.

Masakit kasi pag isinisiwalat ko ang pananaw ko na "serve our countrymen first" pinagtatawanan lang ako ng mga taong nakakarinig sa akin. Na wala daw patutunguhan ang buhay ko kung puro bayan ang iisipin ko... ngunit kung wala kahit isa ang tulad ko na nag mamalasakit sa bayan at kapwa... kung lahat gusto kumita ng dolyar, sino na lang ang matitira sa Pilipinas?

Ang tunay na bayani ay ang mga Filipinong pinag sisilbihan ang kapwa Filipino at hindi ang mga nag papakasasa sa salapi ng mga dayuhan. Silang mga tinatawag na bagong bayani pero ang mga nag sisilbi sa kapwa Filipino - ano ang tawag sa kanila? WALA!!!

Pag andito ka nag tra-trabaho sa Pilipinas ang liit ng tingin sayo ng mga tao, pero pag balikbayan ka para kang prinsipe sa paningin ng lahat. Dahil dolyar ang hawak mo, para kang diyos na lumapag sa lupa.

Asan ang hustisya?

Bayani ang mga Filipinong nag sisikap kahit mahirap ang buhay dito sa ating lupang tinubuan. Bayani ang mga Filipinong hindi pinag papalit ang serbisyo para sa dolyar. Bayani ang mga Filipinong mas pinipili mag silbi sa bayan, sa kapwa Filipino, kahit maliit ang sweldo. Bayani ang mga Filipinong mahal at pinagsisilbihan ang Pilipinas.

Mabuhay ang Filipino na nagsisilbi sa kapwa Filipino.

Ang tunay na bayani ay hindi nababayaran ng salapi. Hindi nasisilaw sa magandang buhay kung ang kapalit naman ay ang pag sisilbi at paninirahan sa dayuhang bayan.

Ang tunay na bayani ay ang nag mamalasakit sa kapwa Filipino at sa ating bansa at hindi inuuna ang pang sariling karangyaan sa palad ng mga dayuhan.

Inuulit ko po, ito ay aking opinion. HINDI ko po kinukutya ang ating mga kapwa Filipino na naninilbihan sa ibang bansa. Ito po ay bilang pag tanaw din lang sa mga kapwa naten na hindi nabibigyan pansin dito mismo sa ating bayan.

Salamat po!

Pen is mightier than sword - Dr. Jose P. Rizal

Itong post na ito ay bilang isang pag gunita sa bayaning nag buwis ng buhay para sa ating bayan. Oo, nanirahan siya sa Espanya upang mag aral at hindi pag silbihan at masilaw sa karangyaan ng buhay ng mga Kastila. Ang ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal. Na kadalasan ay hindi nabibigyan pansin ang kanyang mga nagawa dahil nasasapawan ito nang nalalapit na pista ng bagong taon. Sana manumbalik sa puso ng bawat Filipino ang adhikain niya. Ang pag mamahal sa ating tinubuang bayan - Pilipinas