Friday, December 30, 2011
Si Juan Ang Modernong Jose
Bilang pag gunita sa araw ng ating Pambansang Bayani (Gat Jose Rizal), itong post na ito ay para sa kanya at sa mga modernong Jose Rizal ng ating bansa.
Kinalakihan ko na ang pag aaral sa buhay ni Rizal. Mula sa mababang paaralan hanggang sa colegio ay may paksa tungkol sa buhay ni Rizal. Doon ko natutunan at napag tanto na si Rizal ay isang tao at may mga pagkakamali rin sa buhay. Hindi siya perpekto. Ngunit sa kabila ng lahat nananatili siyang bayani sa paningin ko. Lumaki akong may pag mamahal sa bayan na sinilangan dahil na rin sa pag tingala ko kay Rizal simula pa noong bata ako.
Ngayon nananatili ang aking pag tanaw ng utang na loob sa kabayanihan ni Rizal. Isa rin sa dahilan kung bakit kahit may oportunidad akong mag trabaho at kumita ng mas malaking halaga sa ibang bansa ay andito ako sa Pilipinas ay dahil na rin sa paniniwala ko sa mga adhikain ni Rizal. Naniniwala ako na dapat unahin ng mga Pilipino ang mag silbi sa kapwa Pilipino kesa pag silbihan ang pera ng ibang bansa. Hindi ko masisisi na umaalis ang iba nating kababayan at naghahanap buhay sa ibang bansa kung saan mas malaki ang pera dahil pangangailangan naman talaga iyon. Ngunit kung ang lahat ng Pilipino ay ganun ang gusto sa buhay... tiyak wala ng matitira dito sa Pilipinas. Nagpapasalamat ako at my naiwang aral sa akin si Rizal, ang pag silbihan ang sariling bansa. Salamat at hindi rin ako nag iisa sa ganitong paniniwala.
Sa mga modernong Rizal tulad ng mga manunulat at mga nasa larangan ng musika... isa sa mga sinasaluduhan ko ay si Gloc 9. Bilang isang musikaero, alam nya kung paano ipahatid sa mga taga pakinig ang kanyang mensahe sa mga Pilipino. Noong una kong narinig ang awit nyang "UPUAN" nakita ko ang katauhan ni Rizal sa kanya. Naalala ko kung paano ginamit ni Rizal ang kanyang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo upang ipahatid ang gusto niyang sabihin sa mga Pilipino. Tulad ni Gloc 9 sa musika niya naman idinadaan.
Dito natin mapag tatanto na sa kabila ng impluwensya ng banyaga sa ating Bansa ay may mga nananatili pa rin diwa ng tunay na Pilipino sa atin. Sa mga modernong Rizal... ipag patuloy natin ang sinimulan ng ating idolong bayani na si Rizal. Tama siya tayo ang pag-asa ng bayan.
Mabuhay ka Jose Rizal!!!